Isang Magsasaka, Dalawang Panginoon (Spoken Word Poetry)


Isang Magsasaka, Dalawang Panginoon (Spoken Word Poetry)
Jonel Revistual

Isang Magsasaka, Dalawang Panginoon

Magtanim ay ‘di biro,
Maghapong nakayuko
‘Di naman makaupo, ‘di naman makatayo
Pero hindi luluhod.
Kahit ilang dekada nang nagdarasal.
May mga rehas na nakaharang ngunit hindi ito kumpisal at hindi rin ito misa
Kahit ang lahat ay nakaangat na ang mga kamay.
Kahit ang nobena ay para sa mga nasa taas at ang sumisigaw sa harap ay malayo sa pastor ngunit mas malapit sa langit at sa mga pangil na de-kalabit.
Dahil sa oras na ibasbas na ang tanso sa laman ay hindi ito tutubo, bagkus… tutulo.
Na animo’y gripong didiligan
Silang mga nagtatanim ngunit walang gatang sa kaldero ng Diyos.
Ang tunay na reporma sa lupa ay isang propesiyang hindi matupad-tupad

Tugon: Silang mga nagtatanim ngunit walang aanihin ku’ndi butil ng baril

Rodolfo Tagalog, Sr. - tubong Milagros, Masbate, pinagbabaril ng militar habang namimitas ng niyog, nakaligtas, sunod na pinatay ang panganay niyang anak.
Tugon: Silang mga nagtatanim ngunit walang aanihin kun’di butil ng baril.

Renato Anglao, lider ng mga Lumad sa Bukidnon na lumalaban para sa tatlong-daang ektaryang lupaing ninunong inaagaw para gawing plantasyon, binaril ng mga ‘di pa nakikilalang lalaki habang pauwi kapiling ng kaniyang asawa’t anak.
Tugon: Silang mga nagtatanim ngunit walang aanihin kun’di butil ng baril.

Ramon at Leonila Pesadilia - mag-asawang aktibong miyembro ng asosasyon ng mga magsasaka sa lambak ng Compostela, tumitindig para sa kalikasan laban sa mga higanteng minahan, binaril sa loob mismo ng kanilang tahanan, sa harap ng kanilang limang-taong gulang na apo
Tugon: Silang mga nagtatanim ngunit walang aanihin kun’di butil ng baril.

Juanchio Sanchez, tumigil sa kolehiyo’t namasada para makatulong sa matrikula ng mga kapatid, dalawampung taong gulang ng minasaker kasama ng anim na iba pang pesanteng martir sa Hacienda Luisita, Tarlac. Taong 2010, napawalang-sala ang lahat ng militar at pulis na sangkot sa pagpatay.
Tugon: Silang mga nagtatanim ngunit walang aanihin kun’di butil ng baril.

Victor Lumandang, Enrico Pabrica, Rotello Daelto - patay matapos sagutin ng bala ng pulis-Kidapawan ang panawagang rasyon ng bigas para sa libo-libong magsasakang isang taon nang walang makain nang dahil sa El Nino.

Patawarin.
Kung hindi nabanggit ang lahat ng ngalang binaon sa ngalan ng karit
Hindi ba’t nakakapagtaka kung bakit ang mga pilapil ay tila naghuhugis krus na?
Sinabing nang hindi ito misa.
Pero magpapatuloy ang pag-angat ng mga kamay.
Hangga’t ang mga katawang tila palay sa bagyo nang bumulagta ay wala pa ri ni binhi ng sagot.
Ang sermon ng mga palayang binaligtad kasama ng mga kubong nakatindig na buwis na galing sa kanilang pawis ngunit sa batok ng burgis natuyo ng palad ng sakadang butas na sa maghapong paggagapas para sa pasahod na hindi malalaglag sa loob iyong kamao ng bawat pitak na naging patak dahil ang basyo’y sa utak ng walang masaing nain-in na ga-siyudad na tanimang nakapako pa rin ng irigasyong sa tubig din sinulat
Kasing haba ng inutang na dugo ang listahan upang lumaban
Kalabaw lang ang tumatanda dahil tao ang pinapatay.
Tugon: Kung tatlong beses kayong nakakakain ng ostya sa isang araw, lalabas ba kayo ng simbahan at tatawagin pa rin itong katamaran?
Walang tugon
Isang mabuting balita mula sa sinong panginoon, isang nasa langit at isang panginoon na may lupa na noon pa ma’y sinsamba na ng gobyernong deboto ng poon ng mga hacienderong tingin sa sirit ng dugo ng mga magsasaka’y ambon
Isang magsasaka, dalawang dasal
Isang Ama Namin at ang paulit-ulit na panalangin para magkaalmusal
Sa lupang guhit nila sa palad nang kinagisanang ­Ina, Ama, Kapatid, Anak.
Kapag ang magsasaka umiyak,
Hindi ito dahil sa pag-ibig.
Kung ’di dahil sa lupang nagpapapakain sa ating bibig.



Isinatitik at isinaayos mula sa Youtube video at subtitle ni Anthony S. Bragais.

DISCLAIMER: All of the transcript was fully for educational purposes only. All of the rights are for the Words and Anonymous, and Jonel Revistual, respectively. If copyright was present on this text, please comment down. Thank you.

Comments

Popular posts from this blog

Going Another Side #6 - FAYE

Going Another Side #7 - Lorenzo